...

Living Waters Philippines

Langit sa lupa. Langit hindi impiyerno. Saya, di lungkot at dusa. Pagmamahal di
pag-abandona. Kasaganaan di kakulangan. Yan ang pangarap kong langit. Sa edad na
7 taong gulang, pinangarap kong mag asawa ng Pastor. Para sa akin, ang pamilya ng
pastor ang pinakamasaya at pinaka huwarang pamilya.
Palibhasa, kahit sa murang edad alam ko na na mayroong hindi tama sa aking
pamilya. Simbahan ang aking taguan at ramdam ko na ligtas ako pagka ako’y narito.
Kahit sandali man lang makatakas sa malungkot at magulong kalagayan, kaya’t para
sa akin, langit ang simbahan.
Sa bahay kasi, impiyerno. Si tatay laging galit, di makausap o malapitan. Si nanay,
laging nakasigaw, dumadaing tungkol kay tatay, at puno ng problema paano
bubuhayin at pag aaralin ang mga anak. Bihira rin ang araw na di nag aaway ang
nanay at tatay.
Palagi kong tinatanong dati, bakit ang taas ng langit? Bakit di ko maabot para doon
na lang ako magtago. Gusto kong lumayas di ko naman magawa kasi isa lang akong
bata. 13 ako ng umalis ako sa amin, upang magtrabaho at sarili pag-aralin. Ang sabi
ko sa sarili ko siguro pag wala na ako sa amin, makikita ko na ang langit na mithiin.
Nagkamali ako. Lalong hirap at sakit ang naranasan ko galing sa pang aabuso ng
amo at ng estranghero. Di ko naikwento kahit kanino pangyayaring ito. Ang tatay ko
walang pake ng magpaalam akong sa Maynila tutungo dahil natanggap akong iskolar
sa seminaryo.
Mag aral sa seminaryo ang maglingkod sa ministeryo dahil ang alam ko andoon ang
langit na hanap ko. Doon sa seminaryo si pastor napangasawa ko. Sa wakas ,
magiging masaya na rin ako. Hindi ba’t natupad na ang langit na pinapangarap ko.
Isang mabait, may takot sa Diyos, mapagmahal na tao. Buo na ang langit ko.
Masaya nga oo. Ngunit panandaliaan lamang pala ito. Dalawang taong magkaiba ang
mundo pinagsama lalong nagkagulo. Ako hinahanap ang pagmamahal na di natamo
mula sa tatay ko sa asawa ko. Ang asawa ko, hinahanap sa akin ang nanay nyang
nang iwan sa kanya ng siya’y walo. Kahit wala kaming maibigay pareho , pinilit ko
pa ring maging perpekto. The perfect pastor’s wife, yan ang tag-line ko.
Ang pagiging asawa ng pastor pala ay parang pasan mo ang mundo. Pagsisilbi sa
asawa at sa simbahan ng todo todo. Bawal magreklamo, lahat ng marinig mong
salita masakit man ito lusot lang sa magkabilang tenga mo. Bawal ang sumimangot o
kaya noo’y kumunot.
Ang pastor ang tinawag sa iglesia, pero 2 in one pinagkasya. Janitor, tagaluto,
teacher, counselor, prayer leader. Superwoman ako. Dahil , ginusto ko ito lahat
nilunok ko. Intriga, tsimis, puna pati pananamit ko, tinanggap lahat wag lang
magkagulo.
Habang si pastor, busy sa ministeryo, umulan, umaraw man o bumagyo . Sabi ko nga
sa sarili ko, hindi kaya ang ministeryo ang asawang totoo at mistress lang ako?
Dito nagsimulang mabuo ang galit ko, bakit parang naglalaho ang langit ko. Di na rin
kami nakakapag usap ng totoo, ang puso ko di ko na maibukas ng todo. Wala na ring
panahong magsiping dahil laging pagod at ministeryo ang kapiling.
Ang pagmamahal na hanap ko, pinunan sa sariling paraan ko.. Dito ako’y natutong
mag masturbate at mag pornographo. Nagsimulang lumayo sa Dios ang loob ko, sa
simbahan ako’y nanloko. Akala ng marami, banal at totoo, pero yun pala’y huwad
ang pagkatao.
Alam kong kasalanan at mali ito, nguni’t pagkatapos magsisi at mangakong
magbabago, uuliting muli makaraan ang ilang linggo. Oo ngat pansamantalang
lungkot naiibsan, ngunit kapalit naman hinagpis at kalungkutan. Nagpatuloy ang
doble karang buhay, lalong lumalim ang pagkakabaon sa hukay. Pinilit makaahon,
ngunit di makabangon.
Gusto kong magsumbong, kanino at sino ang tutugon? Nakakahiya, baka ako’y
isumpa. Samantala, ang Dios sa buhay ko’y nawala. Ako ay lumayo , Dios bakit
hinayaan mong langit ko ay maglaho.
Maraming taon ang lumipas ng ganitong buhay, dumating ang anak na hinihintay.
Pansamantalang, sumilip ang langit. Nagkaroon ng kulay aming matamlay na buhay.
Ngunit di naglaon, dating pakikipagrelasyon, bumalik sa dating sitwasyon.
Panahon sa ministeryoy muling ginugol, sa anak pag-aruga koy iniukol. Buhay mo,
buhay ko, higaan mo higaan ko. Pagmamahal sa asawa’y naglaho na rin oo. Ganito na
lamang ba, langit ba o dusa? Akala ko’y langit, bakit parang impiyerno na.
Nagpatuloy ang pag ikot ng sikretong buhay ko. Natutong mamuhi sa Dios at sa tao,
at sa asawa ko nama’y lumayo na ang loob ko. Gusto kong humiwalay ngunit takot
naman ako, masisira ang ministeryo at sasabihin ng tao’y ano?
Dios ko, tulungan mo kung naririnig mo pa ako, bakit parang malayo ka at di naman
totoo. Ayusin mo naman ang buhay kong ito, kung di naman ang isa sa ami’y kunin
mo na, sambit ko.
Hanggang isang araw dumating nga ito. Asawa ko’y lumisan kami ng anak ko’y
iniwan. Na stroke. Biglaan, walang paalam, bakit, ano, paano at saan, Dios ko wag
mo kaming pabayaan.
Ilang buwan makalipas ang kanyang pagpanaw, isang liwanag aking natanaw.
Agos ng Buhay, dumaloy, umalalay.
Sa wakas, pagdurusa’y tila magwawakas. Lahat ng baho at alingasngas ibinulalas.
Akala mo ba sila’y iiwas? Aba hindi, bagkos tinanggap. Abuse, sexual addiction,
father wound ,mother wound, unforgiveness, anger, fear, idolatry, lahat mayroon
akong entry.
Dito ko nakita, buhay ko pala’y may pag asa. Pinatawad sa sala, pasanin ko’y binuhat
Nya. Hindi isang kuwentong si Jesus sa Bibliya lamang binabasa. Mahal ako ng Ama,
kailanma’y di nag iba. Hindi pala sya malayo at di galit, katulad ng aking iginigiit
Natuto akong magpatawad sa mga taong nakasugat. Si tatay, si nanay, si pastor at
ang simbahan. Maraming beses, paulit ulit. Mula noon, hanggang ngayon
pagpapatawad pa rin. Ang ginamit kong pantakip sa lungkot na dinanas, sa krus
doon iniaalay, upang kaylanma’y di na maging karamay.
Mga sugat na nabaon sa limot, muling binuksan at kinalikot. Lahat pinaubaya sa
Amang dakila. Natutunan ko ring sariliy patawarin. Kahit ang Dios Ama’y pinatawad
ko rin. Ang sabi ko bakit hinayaan mong pasakit? Bakit hinayaan mong ako’y maging
adik. Di ka man lang umimik , o kaya’y nagmadyik. Tinanong ko lahat ng bakit, sama
ng loob koy sinambit. Ang ama ko sa langit, tinanggap lahat ng panlalait.
Lalo kong naramdaman, pagmamahal na dati’y di ko alam.
Mahabang panahon mula noon hanggang ngayon, ang ginugol na panahon sa mga
sugat upang maghilom. Balde baldeng luha, iba ibang mukha, ng mga kapwa
sugatang sumama, sa aking paglalakbay ang ginamit ng Dios na buhay, upang pagibig
nya’y dumaloy sa sa aking buhay.
Sa wakas langit na nga ba?
Kung akala nyo’y dito natatapos, ang hanap kong langit, puwes, hayaan mong
ilusyon nyo’y masungkit.
Ang addiction nag iiba iba lang ng anyo, habang ang pagmamahal na hanap mo’y
pilit mong pinupuno. Ministry, pagkain, shopping, relasyon, kayamanan, instagram,
facebook o twitter man. Hangga’t di mo binubusog ang gutom mo sa pag irog, ng
Dios amang sya lamang tugon sa gutom at uhaw mong umaalon.
Patuloy kang iinom sa Agos ng Buhay, upang sa iyong paglalakbay mapatid ang
iyong uhaw. Patuloy na pagkain sa pagkaing kanyang hain. Katawan at dugo ni Jesus
ang syang iyong kainin.
Noong nakaraang Mayo, mapalad akong nasa tabi ng ina ko’y pumanaw.
Nakapagpasalamat ako sa pagmamahal nyang ibinigay, sa katawang nag aruga at
nag alaga.
Pagkatapos ng lamay, isang sulat sa baul nabuklat, talambuhay ng aking Inay para
sa amin, 11 isang anak na mahal. Doon isinulat, buhay na ipinaminulat, kuwento ng
pagsisikap, itaguyod ang mga anak. Isang katotohananng aking nalaman, Ang nanay
at tatay ako pala’y mahal naman.
Alam kong panaho’y magbabago. Tukso at pagsubok laging uusyoso. Masasaktan,
malulungkot, magkukulang, gagapang.
Subali’t ngayo’y sapat na muna ang Pag-ibig ng Ama, upang baunin ito sa susunod
na kabanata.
Hayaan nyong tapusin ko ang kuwento ko sa isang panalanging tumitibok sa king
damdamin, at minumuni muning ulit-ulitin.
PAGKABIGHANI
Hindi sa langit mong pangako sa akin
Ako naakit na Kita’y mahalin
At hindi sa apo’y kahit anong lagim
Ako mapipilit nginig kang sambahin.
Naakit akong ika’y mamalas
Nakapako sa Krus hinamak hamak
At nang tinanggap Mong kamataya’y libak
Naakit ako sayong pag-ibig
Kaya’t mahal kita, KAHIT WALANG LANGIT
Kahi’t walang apoy, sa Yo’y manginginig
Huwag nang mag abala upang ibigin ka
Pagka’t kung pag-asa’y bula lamang pala
Walang mababago, mahal pa rin kita.
Panginoon, …KAHIT WALANG LANGIT……J

Seraphinite AcceleratorOptimized by Seraphinite Accelerator
Turns on site high speed to be attractive for people and search engines.